Sa ganang akin lang, kung di ko kailangan ng experience para makapagtrabaho sa ibang kompanya na may mas malaking kita (at hopefully, normal na boss, na magmula sa araw na ito ay papangalanan kong Goblin King) di ko pagtityagaan ang pagtatrabaho sa pinapasukan ko. Kundi lang talagang may tanga’t kalahating herodes na nagsabing kailangan ng “Relevant Working Experience” para makapaggawa ka ng 900 X 1100 na PSD file sa Photoshop na medyo hawig sa isang website, matagal na sana akong regular sa ibang kompanya.
Nagkabangga na naman kami ni Goblin King kanina dahil late ako. Tinatamad lang naman talaga ako pumasok at wala talagang matinong Idea na umaandar sa isipan ko, bukod pa sa napuyat ako kagabi dahil ipinagdrowing ko ang kapatid ko ng project niya kaya ako nagmabagal kumilos. Ayun, pagpasok ko, inaasahan ko na ang mga pasimple niyang banat na kagyat ko namang kokontrahin ng isa na namang rason.
Kaso, wala.
Nakagawa na ako ng revision na hinihingi ng kliyente para sa ginagawa kong design. Nagprepare na ako para sa pagdedesign para sa ibang kliyente.
Pero wala. Ayus na ang buto-buto. Pyansado na ako kay mayor.
Kalmang-kalma na bumaba na ako para mananghali. Masarap na ulam ang bumungad sa akin.
Teka, anong ginagawa ni Goblin King dito sa Karinderia?
“Di ka ba talaga makakapasok ng maaga?”
Gandang kasalo pala ng kanin at ulam ang panenermon ng amo mo. Parang magulang lang ah. As usual, di ko na lang ininda at pinalabas ko na lang sa kabilang tenga ang walang kamatayang dialogue niya na “hanapan ko ng oras”, as in hanapan ko ng oras ang pagiging NORMAL, EXISTING, at SENTIENT na miyembro ng SANGKATAUHAN dahil economically beholden ako sa kanya para sa pantustos ko sa pamasahe ko at pangkain sa araw-araw na pagdagdag ko sa kaban ng kayamanan niya. Come to think of it, ang labas sa kabilang tenga policy ang paraan na ginagamit ko para makatagal sa kompanyang yun. Pasalamat siya wala akong Gamma-Irradiated eight-footer na alter ego na lumalabas pag naiirita ako kundi…
Fast Forward sa Paguwi ko sa bahay.
May mga nagkalat na Job Hiring sign sa daan.
May nagkalat na Classified Ads sa bahay.
May binabanggit sa akin si Inay na trabaho sa pelikula. Di ko nga makakapareha si Angel Locsin pero pwede na rin.
Ano ‘to, signos na dapat na naman akong lumarga? Dapat ko na naman bang iwan ang daang madali para sa mahirap?
Natutukso ako, sa totoo lang. Nalibang lang ako sa trabahong ginagawa ko, at doble yun pag di ako pinakikialaman ni Goblin King. Wala na rin ang lintik na asungot na Hari ng Yabang. Sinisipag na rin ako na pumasok; huli nga naman at magaling ay naihahabol din. Kaso, sabi nga, di mo matatakasan ang katotohanan lalo na pag pinagsasasampal ka na nito sa mukha. Di naman sa di ako sanay na walang pera, pero di ngayon ang panahon para doon.
Gusto ko umabsent kahit minsan lang para makapagisip ulit. Nakakairita din kasi pag may ganyan kang iniisip. Parang lamok yan habang natutulog eh. Di ka lulubayan hanggang di mo inaaksyunan.