ang tutong ng byahe

Nawala ang isang araw ng buhay ko sa pagbabyahe. Akala ko, sa mga nauwi lang sa Visayas at Mindanao na di nasakay sa eroplano nangyayari yun, tulad ng mga magulang ni Kumander, na via bus ang byahe pa-Leyte. Di ko akalain na yung slingshot move ko mula Marikina hanggang Laguna and vice versa e aabot na ng sampung oras. Syempre, andun ang doble parusa ng SLEX at Los Baños National Highway, sama na rin pati ang after dark rush hour sa Skyway papuntang Magallanes, pero ganun pa man, nawala ang isang araw sa buhay ko ng nakaupo lang ako sa siksikang sasakyan.

Umuwi ako ng Laguna para bisitahin at ischedule ng maintenance ang puntod ng mga lolo at lola ko para di na kami nauwi ng November 1.  Ala-una ng hapon ako nakaalis ng Maynila, at nakarating ng Laguna ng alas kwatro ng hapon. Dati dalawang oras lang mula point A hanggang point B pero ngayon, dahil sa two lane bottleneck ng Los Baños, doble ang oras ng pagdaan doon. Sa di malamang kadahilanan, doon pinapadaan ang LAHAT ng sasakyan, mapamaliit o malaki, dalawang gulong o apat, na nagiging sanhi ng matinding gridlock. Ayaw ko na tuloy isipin kung ano itsura ng Los Baños pag may Manila-style na hukay sa kalsada. Baka uugatan na ang mga sasakyan at magkakasubukan kung sino ang biodegradable at sino ang nonbiodegradable.

Pagdating ko ng Laguna, syempre, deretso sa sementeryo para sumilip. Nung nakita ko ang lagay ng pwesto, parang kinutuban ako na may mali. Dun ko nalaman na apparently, pinaginteresan ng mga kawatan ang bubong ng tinayo naming takip para sa pwesto ng lola ko. Ganun daw ang kalakaran doon, sabi ng hardcore kong tiyahin na Godmother ng mga mafia ng Sepulturero sa sementeryo. Para di na nga naman mapunta sa hardware ang ibibgay na pera ng mga clueless na city folk, mangnenenok na lang sila ng materyales mula sa ibang libingan. Nakamura na sila, nakatipid pa. Nung irereport ko kay inay ang aking mga natuklasan, sakto namang sinumpong ang telepono ko, at ayaw magpapindot ng keypad. Siguro, sinasabi ng karma police na pabayaan ko na lang daw kesa makarating pa kay Ben Tulfo.

So matapos ang pagsasaayos ng gagawin sa pwesto, lumarga na ako. Dahil ayokong maparalisa dahil sa pagkakabaluktot dahil sa kakulangan ng legroom sa mga bus, nagjeep ako hanggang Calamba. Kahit maulan, mas maayos naman ang lagay ko sa jeep. Ngayon nga lang ako, sa tanang tagal ng pagkocommute ko, gumastos ng 55 pesos sa isang sakay ng jeep. Dapat pala humirit ako ng bucket seating, masahe at complimentary ice tea sa drayber. Pagdating ko sa Calamba, na may halong kaba kasi gabi na nun at di ko alam kung anong oras ang last trip, lumipat ako sa bus na pa-Alabang. Nakarating ako ng Metropolis ng alas-nuwebe ng gabi, matapos ang pagpipilit na huwag makatulog ng dahil sa buga ng hanging SLEX sa mukha ko.

Nakauwi ako ng Marikina, alas dyes medya na. Nagtututong sa alikabok, masakit ang katawan, at pagod, pero handa para bumalik uli kung kailangan.

Ikaw na ang laboy.

PS: may nakita ako sa T-shirt na suot ng mama sa Cubao.

” I love mankind. It’s people that I can’t stand”

Leave a Reply