August is the end of Cabin Fever
Sa di maipaliwanag na dahilan, parang galit sa employment status ko ang buwan ng Agosto. Di ko alam kung ano ang meron at lagi akong bum pag ganitong buwan.
Wala na ako sa trabaho ko. Pero kakaiba kasi sa halip na manghinayang ako, tuwang-tuwa pa ako. Kung ibang tao yun, siguro kinakabahan na sila. Pero somehow, detached na detached ako sa mga pangyayari, na para bang sa ibang tao nangyayari ang mga nangyayari ngayon. Di sa di ako handang mawalan ng steady income, siguro naman kung babasahin mo ang mga nauna kong post, e malinaw na ayaw ko sa pinagtrabahuhan kong amo at matagal ko nang gustong umeskapo sa kulungan kong pinagtiisan ng halos limang buwan. Isa pa, di ako estranghero sa kawalan ng pera. dahil halos dalawang taon ako pumetiks.
Ngayon, maraming magtatanong kung bakit sinayang ko ang pagkakataon. Alam kong pointless na ang magreklamo dahil limang buwan na akong nagrereklamo, at nangyari na ang gusto kong mangyari, pero in the interests of clarity, siguro malaking parte ng desisyon ko ay dahil siguro tinamad na ako, at di tulad ng dati, di ko na pinatagal ang pagkatamad ko. Siguro dahil alam kong nasasakal ako sa setup sa trabaho, na utos ng boss ang masusunod, final veto, at salita ng Diyos at WALA kang say sa kahit anong issue kasi kahit magsalita ka, di naman pakikinggan at igagalang ang opinyon mo. Siguro narealize ko na may mas magandang offer ng mas malaking compensation sa labas ng mundong ginagalawan ko, compensation na mas maayos ang training para sa posisyon. Dagdag na rin natin ang pagkasuya sa walang katapusang mga kabaliwan ng ex-amo kong ubod ng galing. Di ka man marindi sa trabaho, sa mga inanities niya, siguradong mauumay ka o magbabaril sa ulo para lang matigil na ang pagpasok ng salita niya sa utak mo.