Archive for July, 2008

Under the Influence of Vertigo

Posted in Reklamo 101 with tags , on July 31, 2008 by afro_samurai

Nasusuka ako.

Sabi na nga ba ayaw ko maglaro ng 3d game eh. Nagkakaroon ang mga mata ko ng equivalent ng blue screen of death sa computer pag lumampas ako ng ten minutes ng paglalaro. Nakakahilo, nakakasuka, at parang nastress ako ng bigla pagkatapos ko.

Nakakuha kasi ako sa internet ng disc image ng Soul Reaver. Naisipan kong subukan kasi medyo boring nga ang schedule ko ngayon na bahay-opisina-bahay. Para sa aking may mild na ADHD, ang hirap nun. Yun ngang sampung minuto sa isang lugar na nakaupo lang nahihirapan na ako minsan eh. Ano pa kaya yung walong oras? Ayun, so relatively painless naman ang installation, napagana ko naman ng maayos at napaandar ko sa makina ko.

All’s well that ends well, right?

Nope.

Di ako makapagsave, at bukod pa niyan, lahat ng pader, sahig, at kisame ng environment na nilalakaran mo, parepareho ng hitsura.

Kinauwian, para akong nakarecover sa acid trip. Hanggang ngayon na sinusulat ko ito, medyo masakit ang ulo ko, nahihilo ako, at parang me liyabeng nakakabit sa sentido at kilay ko. Tumalon na rin yata ang presyon ko. Bago niyo ako akusahan ng Red alerts of Aging, di ito senyales ng pagiging hukluban ko. Ewan ko ba, parang sakit ko na yun eh. Kaya di ako nakaranas maadik sa Counterstrike eh, gawa nyan. Makakapaglaro ako ng arcade emulator maghapon at magdamag pero di ako hahawak ng 3d na laro.

Now if you’ll excuse me, I think I need to go vomit.

War Dogs

Posted in Reklamo 101, The wage Slave Chronicles on July 23, 2008 by afro_samurai

Nagkamali ka Goblin. Ang laki ng pagkakamali mo.

Minamaximize ko lang ang oras ko kaya ko inunang gawin ang ibang trabaho. Ayoko maging pabigat sa ibang tao, di tulad mo na walang alam gawin kundi humirit ng wala naman sa hulog. Wala kang naitulong sa trabaho ko, bagkus pinabigat mo pa ito.

Sinermunan mo ako  ng limang minuto,  mas matindi ang balik sa iyo.  Tandaan mo ito -  kung  di sa walang pagpipilian, wala ako sa  kompanya mo at di kita pagtitiisan.  Di mo alam ang sinasabi mo kaya wala kang moral ascendancy para manermon.

Sinumulan mo ang paglaya ng wardogs, Goblin.

Hindi sila ganoon kadali itali uli.

The Ballad of the Terminally Late Boy

Posted in Reklamo 101, The wage Slave Chronicles with tags on July 21, 2008 by afro_samurai

Di ko alam kung bakit talaga iquantify sa oras ang trabaho sa isang kompanya. Lalo na sa aming mga nasa creative field.

Kasi yung trabahong ginagawa ko sa isang maghapon, di naman de kahon. Buti sana kung katulad ng trabaho ko dati sa isang airline, na sasagot ka lang ng tawag ng sampung oras. Yun, madali. Umabot ka sa quota, boundary ka na. Wala kayong paguusapan. Walang creativity na kailangang patuluin na parang gripo, pwera na nga lang pag may binobola at inaamo kang caller na medyo may sumpong.

Sa creative field kasi, iba. Ibang usapan na yung halos ipukpok mo ang ulo mo sa mesa kakaisip ng design na ipepresent sa kliyente na aabutin ng labinlimang revision bago pumayag sa gusto mo mangyari; partida pa yun di mo alam kung ano ang ayaw sa gawa mo, at nagmumukhang ginagago ka na lang. Yun yung magandang araw, yung pakiramdam mo nakahanay sa likuran mo ang mga planeta at inaalalayan ka ng pwersa mula sa kalawakan. Paano pa kaya pag inaalat ka? Paano na sa mundo ni Afro?

Nakikialam na naman kasi si Gobs the Goblin King sa buhay ko sa labas ng apat na sulok ng opisina. Di ko alam kung bakit nagaasta siyang tatay at pinapatulog ako ng maaga dahil pumapako sa alas-onse ang pasok ko araw-araw. Lagi niyang katwiran, (at eto ang isa sa di ko talaga maintindihan) na nasasayang ang pera niya dahil wala akong ginagawa. While that in itself may be true, dahil sa pumasok ako sa hindi e sasahod ako ng buo twing kinsenas at katapusan, una, di ko hiniling na ganon ang patakaran niya. Pangalawa, Going by that dictum, yun palang pumasok ako na maaga pero pumepetix lang at tumutunganga maghapon e mas matimbang pa kesa sa late akong dumating pero para akong si Wolverine kung tumabas ng gawain?

Dead end ang ganung sistema sa nontraditional office setting na tulad namin. Ako pa naman na hirap na hirap kumilos ng maaga…

Ewan ko, bakit ba di talaga ako biniyayaan ng morning loving genes. Buhay ako sa gabi since birth, kasi kinukwento ni inay na pinanganak ako ng 2.30 ng umaga at wala akong plano matulog ng maaga, kahit nung kabataaan ko. Dalawampu’t limang taon na ako sa mundong ito, at higit dalawampung taon doon e inubos ko sa pagtatangkang ayusin ang natural na pangcall center na body clock ko. Guess what. No change.

Ayun, so kailangan kong makahanap ng trabahong grapeks na gabi ang duty para malagay ako sa tahimik at more or less e mabawasan ang katamaran ko. Preferably, yung me internets din pala kasi gamit ko ang mga site para sa references.

The Bat is Back in Town

Posted in Weekend Wrap-up, kwentong buhay on July 19, 2008 by afro_samurai

Palabas na sa mga sinehan ang The Dark Knight, pero as of blogtime, di ko pa ito napapanood. Dito kami manonood ni kumander sa mall sa malapit-Wala ngang guaranteed seating at nagpapapasok ng tao kahit na ongoing na ang palabas, pero pwede magpasok ng pagkain na di sa concierge ng sinehan mo binili, at higit sa lahat, NAGPAPAULIT. Sa mahal ng sine ngayon, dun na ko sa pinakasulit na option, kesa sa mga sosyal na sinehan na nagaastang sinehang stateside. Nakakamiss yung mga panahon noon na walang arte ang sinehan. Magbayad ka ng ticket, magdala ka ng pagkain, umupo ka at ulitin ang pelikula kung di mo naintindihan, which is most of the time in my case pag unang upo.

Ayon sa mga unang review, napipintong maging post-modern classic ang pelikulang ito, bihirang bagay na mangyari sa isang cape-and-tights na pelikula. Sa palagay ko naman, dapat lang na bawiin nila ang legacy ni Batman na sinira ng mga pelikulang ginawa ni Joel Schumacher. Mula sa grim at seryosong subject matter ang kuwento ni Bruce Wayne, at nararapat lang na panatilihin itong ganoon. Sa palagay niyo kaya, paanong naging flagship character si Batman ng DC sa loob ng mahigit animnapung taong publication history kung wala ang grit ng character nito?

Panta-what the f___?

Naisipan kong maghanap ng pantalon pandagdag sa wardrobe ko. Kailangan ko din kasi pantalon at tshirt ang aking forever getup sa opisina. Dahil naglalakad lang naman ako, naisipan ko munang magtingin sa mga thrift shop aka ukay-ukay sa palengke. Wala naman akong aversion sa pagsusuot ng secondhand dahil madami akong damit na pinaglumaan ng tatay ko o ng kapatid ko. Ngunit sa paghahanap ko ng maayos na pantalon na di mukhang pinagtripan ni Joker, may natuklasan akong kakaiba.

Eto pinagtataka ko. Bakit may mga ukay na nagbebenta ng mga item na mahal? Ang sakit sa ulo isipin na yung mga paninda sa ibang ukay e kapresyo o minsan mas mahal pa sa mga tinitinda sa mall na bago.

Isa sa mga hiwaga ng buhay yan.

I can see clearly now

…dahil natapos na ang linggo ng pagulan at pagbagyo. Mainit na ulit kaya pwede na maglaba na kaunting fabric conditioner lang ang ilalagay dahil di ka kabado na magaamoy-camel ang damit mo dahil di natuyo. Syempre ako, kasama sa mga take advantage sa gumandang lagay ng panahon at naglaundry day ako. Mahirap na, baka mamaya me kumuha sa aking artista pero i-reject ako dahil amoy kabayo ako. Sayang naman.

Trangkaso na ba ito?

Posted in Weekend Wrap-up on July 12, 2008 by afro_samurai

…Kasi para akong lumaban sa UFC na di ka pwede gumanti. Mula leeg pababa masakit, damay na pati bulsa.

Kanina nilalamig ako, ngayon wala na, pero sobrang sakit ng katawan ko. Di ko talaga alam kung paano ako nakasurvive sa maghapon na di nagcocollapse sa  nararamdaman ko.

Bunga siguro ng pagod, tapos naulanan pa, ayun, bagsak.

Anyway, maghapon akong magpapahinga bukas para makabawi.

Tukso Layuan Mo Ako.

Posted in Reklamo 101, The wage Slave Chronicles on July 10, 2008 by afro_samurai

Sa ganang akin lang, kung di ko kailangan ng experience para makapagtrabaho sa ibang kompanya na may mas malaking kita (at hopefully, normal na boss, na magmula sa araw na ito ay papangalanan kong Goblin King) di ko pagtityagaan ang pagtatrabaho sa pinapasukan ko. Kundi lang talagang may tanga’t kalahating herodes na nagsabing kailangan ng “Relevant Working Experience” para makapaggawa ka ng 900 X 1100 na PSD file sa Photoshop na medyo hawig sa isang website, matagal na sana akong regular sa ibang kompanya.

Nagkabangga na naman kami ni Goblin King kanina dahil late ako. Tinatamad lang naman talaga ako pumasok at wala talagang matinong Idea na umaandar sa isipan ko, bukod pa sa napuyat ako kagabi dahil ipinagdrowing ko ang kapatid ko ng project niya kaya ako nagmabagal kumilos. Ayun, pagpasok ko, inaasahan ko na ang mga pasimple niyang banat na kagyat ko namang kokontrahin ng isa na namang rason.

Kaso, wala.

Nakagawa na ako ng revision na hinihingi ng kliyente para sa ginagawa kong design. Nagprepare na ako para sa pagdedesign para sa ibang kliyente.

Pero wala. Ayus na ang buto-buto. Pyansado na ako kay mayor.

Kalmang-kalma na bumaba na ako para mananghali. Masarap na ulam ang bumungad sa akin.

Teka, anong ginagawa ni Goblin King dito sa Karinderia?

“Di ka ba talaga makakapasok ng maaga?”

Gandang kasalo pala ng kanin at ulam ang panenermon ng amo mo. Parang magulang lang ah. As usual, di ko na lang ininda at pinalabas ko na lang sa kabilang tenga ang walang kamatayang dialogue niya na “hanapan ko ng oras”, as in hanapan ko ng oras ang pagiging NORMAL, EXISTING, at SENTIENT na miyembro ng SANGKATAUHAN dahil economically beholden ako sa kanya para sa pantustos ko sa pamasahe ko at pangkain sa araw-araw na pagdagdag ko sa kaban ng kayamanan niya. Come to think of it, ang labas sa kabilang tenga policy ang paraan na ginagamit ko para makatagal sa kompanyang yun. Pasalamat siya wala akong Gamma-Irradiated eight-footer na alter ego na lumalabas pag naiirita ako kundi…

Fast Forward sa Paguwi ko sa bahay.

May mga nagkalat na Job Hiring sign sa daan.

May nagkalat na Classified Ads sa bahay.

May binabanggit sa akin si Inay na trabaho sa pelikula. Di ko nga makakapareha si Angel Locsin pero pwede na rin.

Ano ‘to, signos na dapat na naman akong lumarga? Dapat ko na naman bang iwan ang daang madali para sa mahirap?

Natutukso ako, sa totoo lang. Nalibang lang ako sa trabahong ginagawa ko, at doble yun pag di ako pinakikialaman ni Goblin King. Wala na rin ang lintik na asungot na Hari ng Yabang. Sinisipag na rin ako na pumasok; huli nga naman at magaling ay naihahabol din. Kaso, sabi nga, di mo matatakasan ang katotohanan lalo na pag pinagsasasampal ka na nito sa mukha. Di naman sa di ako sanay na walang pera, pero di ngayon ang panahon para doon.

Gusto ko umabsent kahit minsan lang para makapagisip ulit. Nakakairita din kasi pag may ganyan kang iniisip. Parang lamok yan habang natutulog eh. Di ka lulubayan hanggang di mo inaaksyunan.

…and all things must pass.

Posted in kwentong buhay on July 4, 2008 by afro_samurai

Michael Turner Wizard Magazine Solicit

In Memoriam, Michael Turner and George Carlin.

Paalam mga Idol.

Kayo ay mga inspirasyon ko upang lalong pagbutihin ang aking sining.

Ang Sweldo. Bow.

Posted in The wage Slave Chronicles, kwentong buhay on July 1, 2008 by afro_samurai

A trenta ngayon, biweekly national holiday ng mga wage slave tulad ko.

At bago pa man may humirit, walang cheeseburger.

Masarap din naman ang pakiramdam na may padding ang wallet na hindi resibo at ticket ng bus. Nakakapawi ng asar sa pasaway na kliyente ang amoy ng mga larawan ni Ninoy na bagong harbat mula sa sinapupunan ng ATM ni manager. Talaga nga naman.

Napatunayan din sa mga pagaaral na nakakadagdag ng tigas ng apog ang pagkakaroon ng salapi. Parang alak din yan eh. Onting patak, nakakatapang. Kaya mong pumasok sa mall na di nakatungo. Mas lalo na sa mga tindahan. Mas matagal at mas masusi mo nang tinitignan ang mga bagay na gusto mong maiskor balang araw. Di ka na tinitignan ng mga paranoid na Sales Crew na para bang itatakbo mo at dadalhin sa  dako pa roon ang lahat ng kanilang paninda. Bagkus, parang mas magiliw sila pag akinse’t katapusan.

Neknek nila.

Kumakapal ang mukha, ika nga, pag may laman ang bulsa na hindi kendi at higit sa pamasahe. Kaso, malamang sa hindi, dalawang linggo mula ngayon, Iba na ang inaawit ko.

Bumili ako ng FHM kanina at dalawang komiks. Danger Girl at Ninja Scroll. Syempre, Una kong tinignan kung sino ang nanalo sa yearly poll ng FHM sa pinakaseksing hayop sa balat ng Perlas ng Silanganan. (Walang Spoiler). Siguro kung nagspam ako ng boto, may posibilidad na maiba ang ranking ng mga minamanok ko na manalo. Right…